Sa mga pelikula kapag pumasa ka malaking package ang matatanggap mo. Kaya nang isang maliit na sulat lang ang natanggap namin mula sa UP mejo pinanghinaan ako ng loob.
Hindi ko binuksan ang sulat dahil ayokong malaman na hindi naman ako nakapasa. Buti na lang hindi pa nalaman ng nanay ko na dumating na ang sulat.
Nang dumating ako sa school ay nagtatanungan na ang mga kaklase ko kung nakapasa ba sila o hindi. Ang lagi kong sagot "Hindi ko pa kasi nakukuha ung sulat." Me isang kaklase ako na biglang nagsabi, "Me listahan nun sa internet. Patingnan mo na lang. Gusto mo tingnan ko?" Napatayo ako nang malaman ko iyon. Tiyak na titingnan ng pinsan ko ang pangalan ko sa listahan. At kung wala ako sa listahan, malalaman ng nanay ko at ng mga lolo ko.
Hindi ako mapalagay ng buong araw. Kahit tinatawag ako ng teacher wala akong maisagot. Mukha siguro akong may sakit kaya sinabihan ako ng teacher na magpahinga muna ako sa clinic kung masama ang pakiramdam ko. Para kasi akong masusuka na nahihilong mainit ang pakiramdam. Akala nila me lagnat ako. Sa totoo, me UP fever ata ako.
Nasa bulsa ko pa rin ang sulat hanggang nasa clinic ako. Pilit kong sinipat-sipat ang mga nakasulat sa loob pero hindi ko makita kung nakapasa ba ako o hindi. Sinubukan kong wag na lang isipin pero nang maidlip ako parang babangungutin ako sa takot na hindi ako nakapasa.
Nang mag-uwian nilapitan ako ni crush. Tinanong niya kung me oras daw ba ako. Me sasabihin daw siya sa akin. Mukhang paiyak na ito kaya hindi ko siya natanggihan. Ayoko kasing makikitang umiiyak ang sinumang babae. Sabi ng nanay ko dahil daw lahing maginoo talaga kami, hindi nagpapa-iyak ng babae.
Sa ilalim ng pinakamalaking acacia sa aming school, naupo kami sa mga sementong silya. Actually, mga labis na foundation ata un at inilagay lang duon para me maupuan.
Hinarap niya ako at nakita kong pinipigilan niya ang sariling umiyak kaya inunahan ko na siya. "Hindi ko pa binubuksan ang sulat galing sa UP kasi pakiramdam ko ay hindi ako nakapasa." Inibot ko sa kanya ang sulat at saka nagpatuloy, "Ikaw na lang ang magbasa."
Hindi man siya sumagot ay binuksan naman niya iyon. Nagliwanag ang mukha nito at saka humarap sa akin ng nakangiti. "Pareho tayo ng campus na pinasahan."
"Nakapasa din ako sa UP Diliman?" umiling siya sa tanong ko.
"Kaya ako naiiyak kanina kasi sa UP Los Banos ako nakapasa. Akala ko wala akong kasama. Lahat kasi ng mga kaklase natin kung hindi man nakapasa ay sa Diliman mag-aaral. Akala ko mag-isa lang ako. Ikaw rin pala."
Napabuga ako ng hangin saka napangiti, "So wag ka nang umiyak ha, kasama mo ako sa UPLB. Akong bahala sa iyo."
No comments:
Post a Comment